Tuesday, November 19, 2013

Marami pong salamat sa tulong ng mundo sa sambayanang Pilipino!

Lubhang nakapanghihinagpis ang trahedyang dulot ng bagyong Yolanda (international name Haiyan). Lugmok ang Tacloban City at iba pang lugar sa Central Visayas.


Ito na ang pinakamasaklap na kalamidad na nangyari sa bansa. Kung nasira ang Maynila sa pambubomba ng mga Hapon noong World War II ay literal na napulbos ang mga gusali dulot ng delubyo sa pagkakatong ito. Maraming namatay, at ang natira sa mga survivor ay kung ano lang ang suot nilang damit sa katawan.


Dalawang araw bago ang inasahang pag-landfall ng pinakamalakas na bagyong naitala sa kasaysayan ng mundo ay sinabi ng Pangulo na sapat ang kahandaan at kakayahan ng gobyerno sa nakaambang panganib. Ngunit pagkatapos ng bagyo at tumambad ang kalunus-lunos na nangyari ay tahimik ang Palasyo, walang tulong na agarang dumating. Nasaan ang mga helicopter at military plane na sana ay naghulog ng relief goods mula sa ere para sa mga survivor?

Limang araw ang lumipas bago kumilos ang gobyerno, nang tuligsain ng foreign media sa pangunguna ni Anderson Cooper ng CNN ang kabagalan ng pagdating ng tulong. Sobrang shocked ba sila at di nakakilos agad? Nag-isip ba muna si PNoy kung sino ang dapat sisihin sa nangyari? Hindi na niya puwedeng isisi kay GMA ang pangyayaring ito, kaya hayun, pinuntirya ang LGUs (local government units).

Nagmura si PNoy dahil hindi sinunod ng Tacloban ang planong paglilikas ng mga tao. Sumagot naman si Mayor Albert Romualdez na sa lakas ng hagupit ni Yolanda ay hindi kinaya ng paghahanda nila. Lahat ay biktima kaya walang nakitang tumulong na local government people dahil inuna nila ang kani-kanilang pamilya.

Pagkatapos nang halos dalawang linggo ay saka lang tinanggap ni PNoy at idineklara na "the systems failed."

Sa pagdagsa ng tulong mula sa iba't-ibang panig ng mundo na umaabot na sa PHP11B ang nalikom na cash donations ay ikinababahala ng mamamayan na mapunta sa bulsa ng mga ganid na pulitiko ang pera. For monitoring and transparency ay sa Commission On Audit o COA ipinagkatiwala ang pangangasiwa. Sabi, may itinatag na website para rito. Pero pag pinuntahan naman ang site ay "URL cannot be found" o "Error 404" ang lumalabas.


Ang labing-isang bilyong piso ay sapat para maipagpatayo ng tahanan ang mga survivor, ilang bagong paaralan na ang magagawa, maiaayos ang mga daan, airport at seaport, government buildings and offices. Kapag hindi nangyari ang mga ito ay iisa lang ang ibig sabihin: kinurakot ang pondo!

Iba ang kaso ng relief goods na dumarating. Ang maepal na Vice President ay inilalagay sa supot na may pangalan at mukha niya, na pati kendi ay Binay na ang brand. Ang depensa niya, hindi niya alam ang ginagawa o kagagawan ng mga tauhan niya. Hindi ba ganyan din ang depensa ng mga senador na sina Tanda, Sexy at Pogi?

Sa kaso ng DSWD, nire-repack ang goods at pinapalitan ng lalagyan na may logo ng ahensiya. Yung galing-Indonesia ang nakita ng mapagmasid na mamamayan ang ginawan ng ganito. Siyempre, deny-to-death si Tita Dinky. Wala raw ganun. Mismong taga-gobyerno ang nagpaliwanag na nire-repack nila para i-separate ang expired goods. Nagbigay pa ng halimbawa tungkol sa ketchup. Hindi maiwasang matawa ang netizens.


Sa mga sakunang nangyayari sa bansa taun-taon at palala nang palala, naipakita ng mga Pilipino ang katatagan, ang resiliency na ikinamamangha ng maraming tao sa mundo. Bumabangon pag nalulugmok. Tumatawa at ngumingiti sa gitna ng trahedya, lalo na kapag may camera. Ang kakaibang pag-uugaling ito ng Pinoy ang siya ring dahilan kung bakit sa gitna ng mga pagsubok ay nandiyan pa rin ang magiliw na pakikipagkapwa-tao, lumalaban sa dagok ng buhay para sa pamilya at sa mga mahal sa buhay.

Oo, sa gitna ng trahedya nakikita ang the best and the worst in people. Worst na siguro yung iilang matatawag na looters, na naghihintay ng pagkakataon na makapanlamang sa kapwa. Hindi naman kasi kasalanan kung ang dahilan ng looting ay para may makain at mainom upang maka-survive, pero kung pati refrigerator at TV ay puwersahang kukunin ay napakasama nga nun.

Mga tunay na lider

Maliban sa resiliency ng mga Pinoy, meron talagang bukal sa loob ang pagtulong, tulad ni Mayor Rodrigo Duterte ng Davao City. Siya ang kauna-unahang government official na pumunta sa Tacloban para mag-abot ng donation at pagkain para sa mga nasalanta. Durog ang puso niya at nasabi pa nga niyang "God was somewhere else and may have forgotten there is Earth" nang humagupit si Yolanda. Sa relief goods, ang mababasa lang ay "With Love From Davao City."

Isa pang napatunayan nang mabilis rumesponde ay si dating Olongapo City Mayor at Senator Richard Gordon. Hindi lang dahil siya ang namumuno ng Philippine Red Cross kaya siya ang in-command kundi napatunayan na rin ang kanyang galing at leadership nung nasa Department of Tourism siya. Hindi iilan ang nagsasabi na sana ay siya na lang ang presidente ng Pilipinas ngayon.

Sa ganitong pagkakataon ay may sumusulpot na tunay na lider, at nalalaman din ng mamamayan na ang kanilang inihalal na mga opisyal ay hindi karapat-dapat sa puwesto kaya lang ay huli na ang lahat.

Sa susunod na eleksiyon na lang idaan ang pagkamulat na ito. Alisin ang virus ng sambayanan na mahigit nang 20 taon na nagkakalat at nanghahawa ng sakit sa lipunan. Huwag na rin ihalal muli ang mga naghihinagpis na pulitiko dahil sa pagkawala ng pork barrel. Kamakailan lang ay sinabi ng Supreme Court na unconstitutional at illegal ang PDAF at DAP sa lahat ng anyo nito. Mawawalan na ng source of kickback ang mga gahaman.

Hindi lang mga kaalyado ng Pilipinas--tulad ng USA at ASEAN countries (sa pangunguna ng Thailand at Brunei)--ang nagbigay ng tulong para sa mga nasalanta at tumutulong sa recovery ng Central Visayas kungdi halos buong mundo na, prominente ang Japan, Germany, United Kingdom, Norway, Denmark, France, Italy, Netherlands, Canada, Saudi Arabia, Kuwait, Bahrain, Qatar, Israel, Australia at New Zealand.

Maraming-maraming salamat po sa inyo! Pagpalain nawa kayo ng Maykapal!

Pilipinas, 3rd runner-up sa Miss Grand International

Nung kasagsagan ng bagyong Yolanda ay nasa Moscow, Russia si Ariella Arida lumalaban sa Miss Universe 2013 Pageant. Hindi man naiuwi ang korona ay masaya na rin ang sambayanang Pilipino sa kanyang 3rd runner-up finish. Nag-iisang Asian at English-speaking sa Top 5. Ang karangalang natamo niya ay nagbigay inspirasyon sa nagdadalamhating bansa.


Nitong Martes ay pumasok din sa Top 5 sa Miss Grand International sa Bangkok, Thailand ang pambato ng Pilipinas na si Annalie Forbes. Puerto Rico ang nag-uwi ng korona, 1st runnerup ang Dominican Republic, 2nd runner-up ang Slovak Republic, 3rd runner-up ang Philippines at 4th runner-up ang Australia.

BS Information Technology student, professional singer at part-time actress si Ali. Sa mga nanood ng live stream, tama naman ang sagot niya, pero nang magpasalamat siya sa tulong ng Thailand at iba pang bansa sa mga biktima ng typhoon Yolanda ay "donator" imbes na "donor" ang ginamit niyang salita, na dahilan ng mainitang pagtatalo ng mga Pinoy sa YouTube chat. Nagtataka tuloy ang ibang nationalities sa kakaibang kultura ng Pinoy--sila-sila mismo ang nagbabangayan at bina-bash ang sariling kandidata, at ang dami nila, ha. Sa Popular Vote ay Myanmar ang nanalo. Mas maraming techie na nga ba sa Myanmar ngayon kesa sa Pilipinas?

Magkagayunman, salamat sa karangalang dala mo para sa bansa, Ali Forbes! Hindi biro ang pumang-apat na puwesto among 75 candidates!

Gil Wagas sa Mister International

Nasa Jakarta, Indonesia naman si Gil Wagas Jr. para sa Mister International. Taga-Cebu si Gil at dating UE Red Warriors basketball player. Sa taas niyang 6'3" at kayumangging kaguwapuhan ay talagang mapapansin siya sa gitna ng karamihan.

Sa Indonesia naging Miss World si Megan Young at sa Indonesia rin naging FIBA slamdunk champion si Kobe Paras.

Go, Gil! Go, Philippines!






No comments:

Post a Comment